Sapantaha ng 'Di Malayong Nakaraan (Inkling of the Recent Past)


b/n: blog written in Filipino Language


Sa ilang minutong ako'y nagpagayongayon, naisipan kong silipin muli ang minsang naging bahagi ng aking pag-iral. Na paano't paanuman, minsan ako'y naging kabilang sa maliit na porsyento ng masa na rumirepresenta ng utak o sa mas mainam na palasurian: hasaan ng mga bagong tagapagtaguyod at lider ng aking Lupang sinilangan. 

Nakakatuwang isipin. Tila baga nami-miss ko ang samu't saring hamon mula sa kaiskwela hanggang sa mga guro sa larangan ng karunungan at kaalaman; ang mga mala-retorikang tanong sa bawat pagtatapos ng klase na lalo lamang nagpagulo sa dati nang magulong konsepto; ang mga oo-nga-ano sa bawat paano-kaya-kung na diskusyon na nagiging laman ng bawat pasilyong aking kinasadlakan.


Isang galimgim marahil ang tinatawag sa ilang taong pananatili sa labas ng nagmistulang "comfort zone" na siyang naging dahilan ng pagbabanggit ng mga bagay na siya nama'y dapat nang ipag-kibit balikat. O dili kaya'y isang mababaw na katwiran upang pansamantalang talikuran ang kasalukuyang pinagdaraanan. Huwad. Isang baligho. Dahil wala sa dalawa ang tunay kong loobin. Ang totoo, mas akma ang panghihinayang sa aking kasalukuyang kondisyon. Tila dinadalaw ang diwa ko ng mga pahayag na gaya ng, "ang ilang taong pagpupukol para makapagtapos sa 'di basta-bastang insititusyon ay waring naglaho na lamang nang walang pakundangan..." na sumasagi naman sa aking orgulyo at kahambugan.


Sa ilang saglit tila bagang may humawak sa aking bukong-bukong at ibinalik ako sa katotohanan. Sa higpit ng pagtangan na humatak sa akin ako'y muling nakabalik sa makipot na daan. Oo nga pala, bagama't ako ay andito, ang pagkamamamayan ko ay nasa langit; kaya't kung sino man ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, siya'y pawang naging mga bago (2 Cor. 5:17). 

Salamat at ako'y muling pina-alalahanan ng mga mas mahahalagang bagay na 'di nakikita ng mata. Ang mga bagay na pinakamahalaga, pinakadakila. Ang mga bagay na abot-abot ko -- sapagka't ito'y nananahan sa aking puso. Ang katotohanang nagapalaya sa akin, at lunas sa gutom na 'di kailanman malulunasan; hindi ng tao, o ng ano pa man; ang katotohanang magpapalaya din sa sangkatauhan. Nasa akin na nga pala ang Katotohanan, sapagkat tinanggap ko Siya kapalit ng mga bagay na minsa'y sumisilaw at pumupukaw sa aking laman. Ang lahat ng bagay na kaugnayan sa ating pagkamakasarili at kayamuan -- ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito -- ay ipinako na sa krus. (Gal. 5:24) Samakatuwid, hindi ako maglalagay ng anumang bagay na walang kapararakan sa harap ng aking mga mata. Hindi ako magiging kabahagi nito (Awit 101:3).


Comments

Popular Posts