Last Chapter: Prologue
This entry was written last December and thought it would hit the perfect spot to a prelude for my Last Chapter Sequel.
(Warning: Brace yourself for a nose-bleeding Filipino terms and melancholic ending)
Prologue: The When-I-Met-You Stage
Unang beses kitang nakita sa Church. Nasa harapan ka noon. Narinig ko yung unang beses na nagsalita ka.
11 years old.Unang pumasok sa isip ko. Matinis ang boses mo, yung tipong hindi mo pwede ipagkatiwala ang babasagin at mamahalin na kasangkapan dahil sa tingin ko hindi mo pa kaya magbuhat. Bata pa nito. Inulit ko pa. Hindi ako naging interesado sa’yo dahil bukod sa magiging pedophile ang labas ko,nasa kalagitnaan din ako noon sa tulay papuntang “love is sweeter the second time around”. First time ko din sa Church noon, at dahil first time, required na magpunta sa harap para ipakilala sa mga church members. Nagaalangan pa nga akong pumunta dahil ang pagkakilala sa akin isang Engineer. Nakakailang. Ayokong ipakilala ako sa ganoong estado. Pero lumapit pa rin ako dahil asawa ng Pastor pa mismo ang nagtawag sa akin. Siya din naman kasi ang nagimbita na pumunta ako sa Church niyo.Interesado ako sa music ministry ng Church at masaya akong nakausap ang coordinator ninyo. Tinanong niya ako kung single pa ako. Sagot ko oo.“Kilala mo na ba si Ryan?” sabi ng coordinator. Ikaw ba yung Ryan na sinasabi nila? Umiling lang ako. Hindi naman talaga kasi kita kilala. “Engineer din kasi yon.” Dagdag pa niya. Ayos. May makikilala na akong katulad ko.Ilang buwan na rin kasi ako naghahanap ng kakilala na katulad ng trabaho ko para makakuha ng survival tips. Matapos ang ilang usapan, pagkuha ng facebook account at iba pa, marahan niyang tinanong, “Buti 'di ka pa taken?” Haha natawa ako doon. Gusto ko ikwento ang love life ko pero kusang umaatras ang dila ko. Nasabi ko na lamang na, “Sino po may sabi nun?” sabay ngiti. Napakalawak na ngiti. Ayokong magsinungaling dahil bagama’t single nga ako, nakareserba na ang puso ko.Lumapit ka noon at nag-hi sa akin. Sandali lang ang paguusap nating ‘yon. Inabot mo ang kamay mo at nagpakilala ka. Natatandaan mo pa ba? Doon mo sinabing nanggaling ka na ng Singapore at nagtrabaho ng apat na taon. Doon nabasag ang unang impresyon ko sa’yo.Mga 27 years old. Pwede..Natatawang biro sa sarili ko. Hindi ko maalala kung umalis ka ba noon dahil nabaling ang atensyon ko sa ilang taong gusto makipagkilala sa’kin. Gusto kita maging kaibigan. Bilang may common ground naman tayo. At dahil sa survival tips. Iyon din kasi ang linggo na down na down ako sa trabaho ko, na gusto ko na umuwi at bumalik ng mina. Pero nahihiya ako mag-approach uli sa’yo, at mukang madami ka din ginagawa noon.Naulit pa ang maiiksing usapan natin. Naalala ko minsan noong may lunch fellowship at minsang nagka-asaran dahil di ka marunong magsalita ng native tongue ng ilan, tinanong ko kung taga-saan ka. “Alam mo yung Tandang Sora?” Nagpapatawa ka ba? Malapit lang sa unibersidad yun e. Nahampas nga ata kita noon. “Oo! ‘Dun ako malapit nagcollege.” Sagot ko. Lawak ng ngiti ko. May common ground ulit tayo. “San ka ba nagcollege?” tanong mo ulit. Mas mahaba ito sa una nating paguusap. Ang galing. “Sa UP.” Maikli kong sagot. Akala ko masusundan pa ang paguusap na yun. Si Pastor na mismo ang nagsabi na magkapareho kami ng pinanggalingang college dati. Siya at ng kanyang asawa. Nagakala ako noon na kakausapin mo pa ako. Pero binaling mo sa pagkain ang atensyon mo. Sa maikling sagot ko natapos ang usapang ‘yon. Na ikinatuwa ko pa rin. Ang lapit mo lang pala noon sa akin. Napapaisip tuloy ako kung nagkasalubong na ba tayo minsan.. Kahit sa Trinoma o SM North man lang, o ang makasabay ka sa jeep pauwi.Naging mas involved ako sa Saturday BS at Sunday Service matapos noon. Sa ilang linggong yon nakita kong mas masaya pala ang puso ko na malayang naglilingkod sa Panginoon. Inamin ko sa sarili kong mas gusto ko ang nangyayari ngayon. Natatakot din ako dahil unti-unti Niyang tinatanggal ang desire ko sa aking soon-to-be love life. Ang dating patawid na mga paa ay unti-unting umaatras, huminto, at tumalikod pabalik sa pinanggalingan niya. Ikaw naman, patuloy lang sa paggawa para sa Panginoon. Natutuwa nga ako sa’yo, bagamat napaliligiran ka ng sangkatutak na babae, hindi kita nakakitaan ng paglaki ng ulo o ano. Napapaisip na rin ako kung sino ba ang maswerteng babae na nakabihag sa puso mo. Sino kaya sa kanila, mukang halos lahat kasi laman ng bibig ang pangalan mo. Ano nga bang meron sa’yo?
Naalala ko rin noon, sabay-sabay tayong nag lunch kasama ang isa pang lider ng single ministry. May pinaguusapan kasi tayo na inabot na tayo ng pananghalian. Shinare ko pa nga ang baon ko sa inyo. Kumakain na tayo noon ng tanungin ko kayo ng, “Pwede na ba ako magasawa?”“Huh??!” sagot ninyong dalawa.
Nakatawang sabi ko,“Kung masarap ba yung luto ko.” Nag-chorus ulit kayo ng, “Aaahh..” Nakakatawa. Ginulat ko ata kayong dalawa. Kung tutuusin oo naman sana, mag-aasawa na ako talaga. Dahil lang sa hindi maipaliwanag na pangyayari. “Pwede na.. pwede ka na mag-asawa..” sabi mo habang sinusubo ang huling pagkain sa plato mo. Ewan ko ba kung anong kuryente ang sumapi sa’kin at napatalon ang puso ko. Saka ko napagtanto, gusto ko ulit maranasan ang pakiramdam na ‘yon sa’yo. Ngunit ganun lang din kabilis bumalik ang balintataw ko para tapikin ang aking dalawang pisngi at sabihing, Mag-hunos dili ka Jep. Malamang may girl friend na yan. Oo nga pala. At ako naman ay paalis na. Sa inyo ko ding dalawa nasabi na baka next year wala na ako sa Hong Kong at ililipat na ako sa ibang lugar. Sa totoo lang nalungkot ako noon, Kasi ‘di pa man nagsisimula ang pagkakaibigan nating tatlo, mukang wakas na agad ang hantong nito.
Minsang sumabay ako sa inyo pauwi at doon ko nalaman ang tunay mong edad. Nasa MTR tayo noon ng magkabistuhan tayong apat. So 29 ka na pala?! Hindi halata. Gulat talaga ako. Panay “Weh?” ang lumalabas sa bibig ko. Doon ko din napagalaman na wala ka palang girl friend, kahit hindi kita gaano kinakausap dahil yung isa ang kausap ko, ikaw naman, sa isa. At alam ko na bilang ikaw lang ang nagiisang lalaki sa single ministry, maraming babaeng nagkakagusto sa’yo. Pero 29 ka na, at wala kang girl friend. Bading ka ba?
Baka pihikan lang. Pangungumbinsi sa sarili ko. Sana pihikan lang. Inulit ko pa. Aba’y ano nga pala ang pakialam ko, paalis na rin naman ako, hindi ko na masusubaybayan ang adbentyur mo, adbentyur niyo. Paalis na ako.. hindi ko na dapat i-attach ang sarili ko.
Huling dalawang linggo ko na sa Hong Kong noon. Pagkatapos kasi ng bakasyon ko lilipat na ako ng Ulaanbaatar. Kaya naisip kong i-meet na ang mga dapat i-meet at makapagpaalam. Nakakatuwa dahil napakalapit lang ng site mo sa opisina namin. Common ground ulit. Pero bakit tila napakailap ata ng tadhana satin at di niya magawang pag krus-in ang landas natin sa labas ng Church. Wala na yung survival tips na ninanais ko. Dahil paalis na rin naman ako. Well papel. Huling hirit na ‘to. Sabi ko sa sarili ko tutal aalis na rin ako. Gusto kita makilala kahit papaano. Kahit sa maiksing panahaon lang. Kaya kinapalan ko na talaga ang mukha ko at di ko naman namalayang naisend ko pala sa’yo yung bagay na nasa isip ko.
December 14, 2012. Naalala mo pa ba? Unang labas natin ‘yon. Nanood tayo ng sine. Ang haba nga noon e kaya wala na tuloy tayong naabutang bukas na makakainan. McDo ang first dinner natin. Nakakatawa. Parang high school lang. Pero nag-enjoy pa rin ako. Akala ko hindi na masusundan ang first night out natin na ‘yon. Pero nasundan pa pala.At nasundan pa ng isa.At nasundan pa ulit.Ng isa pa.‘Di natin namamalayan madami na pala tayong mga bagay na alam sa isa’t isa. Ang galing nga. Instant friendship. Mas instant pa sa pancit canton. Nasabi ko na din sa’yo ang darkest past ko. Pati yung iyo. Naging mas close din tayong tatlo. Pero hindi pa rin mabubura ang katotohanang paalis na nga ako. At hindi na ako makakabalik sa lugar kung saan tayo unang nagtagpo. Hindi kita makakalimutan. Sabi ko. Ikaw ang isa sa mga magagandang dahilan kung bakit naging buhay ang Hong Kong experience ko. Pero hanggang dito nalang ba talaga ‘to? Gusto ko tumawad na pahabain pa ang araw ko. Gustung gusto ko.. o kahit tumigil nalang ang oras at hindi na dumating ang araw ng pag-alis ko. Kaso may parte din ng sarili ko na gusto nalang din niyang matapos na ‘to.. itong chapter na ‘to. Dahil alam niya na kapag magpatuloy pa ang sitwasyong ‘to, baka maibaba ko nang buo ang pagkakayapos sa aking puso..at tuluyang magkagusto sa’yo.Na ayoko din naman. Kahit ilang beses akong nagpa-balik balik sa estado ng pagiging “single” at “ready to mingle” parang nasusuka pa rin ako. Ayoko na masaktan ulit. Ayoko na bumuo ng bagong alaala na iiyakan ko din naman sa huli. Madami pang dapat ayusin sa akin, sa sarili ko. At hangga’t ‘di ko mareresolba ang mga isyung ‘yon, parang wala akong karapatang maging masaya sa area ng buhay kong ‘to. At sa pagkakakilala ko sa’yo, hindi ikaw yung tipo ng tao na basta-basta. Gusto kitang maging kaibigan dahil humanga ako sa ginawa at binago ni Lord sa’yo. At sa tingin ko..Hindi ako ang nararapat para sa’yo.Hindi ako ang babaeng nakalaan para sa'yo. Dahil mas malabo pa sa putik ang nakaraan ko, na pilit ko mang kalimutan, nauungkat pa rin sa kasalukuyang pananahimik ko, at dinadagdagan pa ng mga mapapait na bagay na pinaggagawa ko. At kahit na bali-baliktarin ko pa ang sarili ko, hindi talaga ako. Hindi magiging ako. Hindi pwedeng ako. Masaya na akong maging kaibigan ka. Masaya na ako at kahit paano, nakuha kong ngumiti ng hindi pilit 'pag kasama ka. Okay na 'ko doon. Makukuntento na 'ko sa ganoon.
Ilang araw bago ako umalis pabalik ng Pilipinas para magbakasyon, inaya mo ulit ako sa huling pagkakataon. Last na talaga 'to. Talagang talaga. Kumain tayo ng dinner sa Chinese Resto. Ayoko nga madaliin ang kinakain ko pakiramdam ko last supper ko na 'yon. Eto na.. papalapit na tayo sa apartment ko. Ayoko na matapos ang gabing 'yon, sa totoo lang. Pero ano nga ba magagawa ko, lahat ng story may ending. Kahit ang isang kanta. Hindi man tayo magtapos sa "And they lived happily ever after", pinapanalangin ko pa rin na gaya ng isang kanta, sana ang maging ending ay sing to fade . Tipong 'di mo alam na tapos na pala. Tipong dahan-dahan ang pagtatapos hanggang sa huling nota. Baka lang kasi bigla mong maisipang bumalik sa chorus tapos sa unang stanza. Kahit acapella lang. Baka lang naman. Nagbabakasakali lang.
Nasa tapat na tayo ng apartment ko, pero tila naka-glue ang mga paa ko at ayaw nang lumakad papasok. May hinihintay ba ako mula sa'yo? O may hinihintay akong sabihin sa'yo? Anlabo. Ayaw mo rin naman umalis sa kinatatayuan mo.
"Sumagi na ba ulit sa isip mo na ipagpray yung.. yung tungkol sa love life mo?"
Ikaw na rin mismo ang bumasag sa katahimikan nating 'yon. At muntik ko nang mabitawan yung puso ko sa pagkakahawak dahil sa narinig ko. Nagpapatawa ka ba? Buong pamamalagi ko sa HK yan ang laman ng panalangin ko, na hindi ko naman maintindihan dahil kung kailan napakalapit ko na eh siya namang paglayo nito. At ngayong nananahimik na ako eh siya namang pangaasar nito. Pero ang mas nakakatawa ay sa kabila ng lahat ng 'to at nangyari sa'tin, natapos ang gabing iyon sa isang napakatangang sagot:"Ah, eh.. wala pa sa isip ko yan ngayon eh magulo pa kasi ang lagay ko ngayon (sabay tingin sa taas) Lord, huwag niyo muna ikulit sa'kin at marami pa akong dapat gawin..."Ako na. Ako na ang pinakatangang taong nakilala ko.Wala kang nagawa kundi yakapin ako. Naging automatic ang mga braso ko at napayakap din sa'yo. Yun ang pinakahuling pagkakataon na magkikita tayo, alam ko. Pero sinayang ko. Antanga tanga ko. Bumitaw tayo sa isa't isa at muli kitang nilingon habang naglalakad ka na palayo sa apartment. Bakit ganoon na lang ang panghihinayang ko. May sinayang nga ba ako? O dapat pa akong matuwa at kahit papaano hinayaan pang magtagpo tayo? Yun ang unang pagkakataong naguluhan ang sarili ko, ang damdamin ko.. sa'yo. Pumasok ako sa apartment habang sinasabi ang mga katagang,
"Tama na Jep. Hindi mo na siya makikita."Tama na. Itigil mo na kahibangan mo. Hindi mo na siya makikita. Iwan mo na sa Hong Kong ang magandang nangyari sa'yo, sa inyo, sa pagkakaibigan niyo. Huwag ka nang umasang masusundan pa 'to. Sinasaktan mo nanaman sarili mo. Tama na Jep. Tama na.
Comments
Post a Comment