Oxymoron ng Pag-ibig
Natapos din ang holiday dash heart's dash day dash craze na nangyari last week. Hanggang ngayon 'di pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Ayokong maging tunog high school ang entry na 'to dahil sobrang korni naman kung mababasa ko 'to matapos ang ilang taon pero ayoko rin na mawalan ng emosyon ang isusulat ko dahil sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung ano ba dapat ang mararamdaman ng isang babae na dinayo pa ng isang kaibigan mula Pilipinas papuntang Ulaanbaatar. Talk about love. Whatever. Ayoko nga isulat yung salitang "love". Parang ayaw tanggapin ng sistema ko. Parang wala akong karapatan na gumamit ng salitang iyon. Pero wala akong kawala.. Dahil ngayon mismo nakikita ko sa kasalukuyang chapter ng buhay ko ang oxymoron ng pagibig.
Ang galing ni Anon, dahil inilarawan niya sa pamamagitan ng article na ito ang nagaganap sa puso ko ngayon (few excerpts):
Nakakatawa talaga ang love. Isa siyang napakalaking oxymoron. Lahat ng pwede mong masabi sa kanya, baliktarin mo at totoo pa rin. Ang labo di ba? Pero ang linaw. Masaya magmahal. Malungkot magmahal. Di mo naiintindihan pero naiintindihan mo. Walang rason. Maraming rason. Di mo na kaya, pero kaya mo pa rin. Masakit magmahal. Pero okey lang. Ano ba talaga?May kaibigan ako, sabi niya dati "Love is only for stupid people." Nakakatawa kasi laude ang standing niya, pero dumating ang panahon, na-in-love din ang hunghang. At ayun, tanga na siya ngayon. Lahat kasi ng nahahawakan ng love nagiging oxymoron din. O kaya paminsanminsan, nagiging moron lang. Hindi lang kasi basta baliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaligtad din niya. Lahat ng malalakas na tao, humihina. Ang mayayabang, nagpapakumbaba. Ang mga walang pakialam, nagiging Mother Teresa. Ang mga henyo, nauubusan ng sagot. Ang malulungkot, sumasaya. Ang matitigas, lumalambot.
Nakakatawa talaga. Lalo na kapag dumadating siya sa mga taong ayaw na talaga magmahal. Napansin ko nga eh. Parang kung gusto mo lang ma-in-love ulit, sabihin mo lang ang magic words na "Ayoko na ma-inlove!" biglang WACHA! Ayan na siya. Nang-aasar. Magpapaasar ka naman. Di ba nakakatawa rin na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galing-galing mo? Pero 'pag problema mo na yung pinag-uusapan parang nawawalan ng saysay lahat ng ipinayo mo dun sa namomroblemang tao? Naiisip mong wala namang mali dun sa mga sinabi mo. Pero bakit parang wala ring tama?
Mauubos ang buong magdamag ko kakasabi ng mga bagay na nakakatawa 'pag pag-ibig na ang pinag-usapan. Ang daming beses ko na kasi siyang nakasalubong kaya masasabi ko nang eksperto na 'ko. Pero wala pa rin akong alam. Pero ang pinakanakakatawa sa lahat ay ang katotohanang kapag gusto magpatawa ng pag-ibig, ipusta na mo na lahat ng ari-arian mo dahil siguradong ikaw ang punchline. Nakakatawa no? Nakakaiyak.
-----------------
Nakakatuwa nga. Nakakainis. Kasi wala akong inaasahan. At ayoko na maulit ang pakiramdam na umasa sa non-existing thing. Pero may dumating. Sa panahong hindi ko rin inaasahan.
Yung reaksyon mo nang makita ang isang taong hindi mo akalaing makikita mo sa araw na yun, yung wala kang inaasahang kahit ano, pero kinakabahan ka ilang araw bago nangyari yun, na pakiramdam mo may nangyayari pero isinasantabi ng utak mo dahil alam mong imposible. Tsk. Kinikilig ako. Kinakabahan ako.
"Oh, ba’t andito ka?"
Apat na salita. Apat na salitang naisambit ko nung nakita ko siya. Kasabay ng mabilis na pagpitik ng dugong dumadaloy sa katawan ko. Parang lumipad papalayo ng ilang segundo ang kaluluwa ko at bumalik ng pabigla sa katawang lupa ko. Tsk. Kinikilig ako. Natatakot ako.
Kinurot ko siya sa pisngi. "Totoo ka ba talaga?", sabi ko. Tawa lang siya. Hindi pa rin ako makapaniwala. Sa bilyon-bilyong tao sa mundo, hindi ko maisip na makakapag stop over ako sa lugar kung saan siya nakatambay. Tsk. Kinikilig ako. Bakit ngayon ko lang nakilala ‘to? Napapaisip ako.
Bago pa pumasok sa sasakyan, inabot niya yung dala-dala niyang pulang rosas at dilaw na paper bag. "Uy, thank you!",sabi ko. Bakit hindi ko nakita na may bitbit siya. Simula’t sapul, bakit nga pala andito siya. Bakit nasa isang sasakyan kami, bakit magkasama kami ngayon. Tsk. Kinikilig ako. Naiihi ako. Kinakabahan ako.
May BS kami ng araw na yun. Umaga palang excited na ko dahil makaka-date ko nanaman si Lord gaya nung nakaraang taon. Hindi lang pala ako ang makikipag date kay Lord ngayon. Kami. Nakakatuwa no? Nakakaiyak. Sa tuwa. "Sino may alam na andito ka?" sambit ko nang nilingon ko siya mula sa front seat. Ayokong makita niya yung muka kong hindi mapigilan yung ngiti kaya casual lang ang pagtatanong. Tsk. Kinikilig ako. Nakakainis.
Secret.
Tsk. Kinilig ako lalo. Nakakaasar! Hindi pa man nagsisimula yung love story namin, kumbaga prologue palang, parang ayoko na. Pero gusto ko. Na ayaw ko. Labo ‘di ba. Hindi ko rin naman alam kung i-aallow nga ni Lord na simulan ‘to. Kung hanggang dito nalang ba or magkakaron pa ng deeper sense ang friendship na ito.
Huling labinlimang minuto bago siya umalis. Inaya niya ko para magdasal kami together at ipagdasal ang isa'tisa. Siya na muna ang nauna. "Lord, though hindi ako deserving to ask this favor from You, but I come with a humble heart and pray my heart’s desire for.. for Jef." Bungad ng dasal niya. Natahimik ako. Seryoso talaga siya sa’kin. Tsk. Kinikilig ako. Natatakot ako.
Huling limang minuto bago siya umalis. Nagaayos na siya ng gamit niya. Nakatingin lang ako sa kanya. Bago pa man ako maka-get over sa pagdating niya, natapalan nananaman ng pakiramdam na, “aalis na siya”. Tsk. Nalulungkot ako. Pero kinikilig pa rin ako.
Hindi ko alam yung mararamdaman ko sa ilang araw na nakasama ko siya. At hindi ko na rin alam ang nararamdaman ko para sa kanya. Isa lang ang alam ko: kaya kong ilarawan ang mga nangyari na isang napakalaking oxymoron --
Floating to the Bottom.
Realistic Fantasy.
Comments
Post a Comment